Review: ‘Para Kang Papa Mo,’ may puso’t tagos-puso

Kailan ka huling tumawa’t umiyak sa loob ng sinehan?

Ang ikalabinlima peliikula ni Darryl Yap ay may kakaibang atakeng nakakadurog ng panga kakatawa at nakakamugto ng mata kakaiyak. 

Pangkaraniwan man ang mga kuwentong mag-ama, pinaningning naman ito ng mga bituin nito salamat sa kanilang buong-husay na pagsunod sa hangarin ng pelikula: ang makaugnay sa manonood at magbigay ng aral—hindi basta sarap sa katawan o pampalipas-oras. 

Ibinuhos ng bidang si Nikko Natividad ang kanyang makakaya sa pag-arte sa isang gampaning hindi madali. Bakas sa kanyang mga mata ang pagsusumikap na may mapatunayan at napagtagumpayan niya ito nang walang pagdududa. Sa tulong ng kanyang ama sa pelikulang si Mark Anthony Fernandez, hindi mahirap isiping ganito rin ang maaaring maranasan ng kahit sino sa atin. Ang salaysay nila ay salaysay din ng bawat isa sa atin: may magulang man o wala.

Pagpupugay din naman ang dapat maibigay sa mga pangalawang tauhan gaya nina Ruby Ruiz na sukdulan ang inialay na talento para sa proyektong ito. Tunay na isa siya sa mga pinakamahuhusay at pinakamaaasang aktres na marapat hangaan at pahalagahan.

Masarap ding makitang magkakasamang muli sina Mark Anthony, Jao Mapa, at Eric Fructuoso. Gayon din naman ang pagkakabuklod-buklod ng magkakaibigan sina Nikko, Kid Yambao, at Zeus Collins. Tama nga namang dalawang henerasyon sila ng mga kinagigiliwan sa telebisyon at sa pinilakang tabing. 

Kung mag-iwan ang #ParaKangPapaMo ng kirot sa buhay mo, damhin at pakaisipan. Sa huli’t huli, tagumpay itong nakapag-udyok na magbigay ng pagmamahal nang walang hinihintay na kapalit — sapagkat iyon mismo ang kahulugan ng pag-ibig.

Ginanap din ang red carpet premiere night noong December 11 sa SM Megamall na dinaluhan ng mga artista tulad nina Mark Bautista, Ella Cruz, Julian Trono, Wilbert Ross, Jamson Blake, Tom Doromal, at marami pang iba. Tingnan ang mga kuha mula rito:

Pinagbibidahan rin ang pelikulang ito nina Rose Van Ginkle, Juliana Parizcova Segovia, Billy Jake Cortez, Gerard Acao, and Lowell Kip.

Palabas na ang ‘PARA KANG PAPA MO’ simula December 13 sa mga sinehan sa buong bansa. Mula sa Viva Films at Vincentiments.

Leave a comment

Create a website or blog at WordPress.com

Up ↑