Paano kung nakilala mo ang “the one” para sa iyo — para lang mapagtantong natutupok din ang apoy ng pagmamahalan? Open ka bang buksan sa ibang tao ang inyong relasyon?
Sa pinakabagong romantic drama film na ‘Without You,’ sa pangunguna nina David Licauco at Shaira Diaz, makikilala natin ang dalawang karakter, na may kanya-kanyang pamilyar na katauhan, na mapupukol ng pagkabuo at pagkawasan ng pagmamahalan.

Ito ang pangalawang pagkakataon na magkakatambal sina David at Shaira sa isang full-length feature film. Nagkasama na sila bago pa man pumutok ang pangalan at karisma ni David bilang Fidel kasama si Barbie Forteza bilang Binibining Klay sa patok na historical portal fantasy series na ‘Maria Clara at Ibarra,’ at bago pa man maging love interest ni Ruru Madrid si Shaira sa isa pang patok sa masang action-adventure drama series na ‘Lolong.’
Noong 2019 ay naipareha na sila sa big screen sa pamamagitan ng romantic drama na ‘Because I Love You’ mula sa master director na si Joel Lamangan. Ang tinaguriang chinito heartthrob at millennial sweetheart ay nakatrabaho doon ang mga kapuwa-Kapusong sina Martin Del Rosario at Michelle Dee para sa ALV Films at Garahe Productions. Ang Regal Entertainment ang nag-distribute ng pelikulang iyon.
Ngayon namang 2023, malugod na tinatanggap nina David at Shaira ang muling pagkakatampok sa pinilakang tabing. Pareho silang nananabik sa paghahandog ng panibagong proyektong may interesanteng kuwento na kagigiliwan ng mga manonood.
“Bilang bahagi ng isang pelikulang maganda ang pagkakasulat at mula sa mahusay na direksyon ni RC Delos Reyes, pinagpala ako at lubos na nagpapasalamat,” pahayag ni David. “Sa panahon ngayon na may mga Gen Z na masasabi nating payag sa open relationship dahil na rin sa social media, tamang oras ito na maipalabas ang pelikulang nagpapakita ng pros at cons nito. Sa huli, alin ba ang pipiliin mo: pag-ibig o karera?”
Para naman kay Shaira, lubos din siyang nagpapasalamat sa OctoArts at kay Direk RC sa pagtitiwalang ibinigay sa kanya upang bigyang-buhay si Ria. “Masaya akong dahil sa pelikulang ito, naipakita ko ang bagong bersyon ng sarili ko, na labas sa nakasanayan kong karakter, at ito ay isang role na hindi ko pa nagawa sa 10 na taon ko sa industriya. Dahil kay Ria, naging mas wais ako sa mga desisyon ko sa totoong buhay. Nakaka-proud na maging bahagi ng pagkukuwento ng love story nina Axel at Ria.”
“Ang Without You ay isang rollercoaster ride ng maraming emosyon,” bulalas ni Shaira. “Makikita ng tao ang mas malalim at leveled up na version ko. Paniguradong magugustuhan ito ng mga manonood dahil sobrang relatable nito. May matutunan din sila at mapapangiti at mapapaiyak sa panonood.”
Kabilang sa cast sina Casie Banks, Rhiana Pangindian, Dindin Pajares, at marami pang iba. Ang pelikula ay mula sa panulat nina Renz Nicodemus at Danno Mariquit. Bilang pang-Valentine’s na handog ng OctoArts Films sa ilalim ng direksyon ni RC Delos Reyes, ipalalabas na ang ‘Without You’ sa February 15, 2023 sa mga sinehan sa Pilipinas.

Bilang panghuli, nabanggit ng line producer ng pelikula na si Wilma Hollis na lubos silang umaasa na “bumalik ang sigla ng mga sinehan. Sana suportahan nila ang aming regalo ngayong Valentine’s.”
Huwag palampasin ang comeback feature na ito ng OctoArts Films simula February 15 sa mga sinehan sa buong bansa. Para sa mga post, gamitin ang hashtag na #WithoutYouMovie.
Panoorin dito ang trailer:

Leave a comment